MANILA, Philippines – Tunay na lumabas ang Pinoy pride sa mga tinitingalang boksingero ng bansa na humarap sa laban noong Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ay matapos humakot ng kumbinsidong panalo ang mga pinagpipitaganang boksingero ng bansa sa pangunguna nina Donnie Nietes at Nonito Donaire Jr. sa isinagawang Pinoy Pride 30 D-Day laban sa mga dayuhang katunggali.
Tampok na panalo ang nailista ni Nietes nang hiritan ng ninth round technical knockout panalo si Gilberto Parra ng Mexico para sa matagumpay na pagdepensa sa WBO World Jr. Flyweight title.
“Nahirapan ako ng kaunti pero tinamaan siya ng lakas ko,” wika ni Nietes.
Kinailangan ni Nietes ang magandang diskarte sa naunang mga rounds para mapalambot si Parra at sa eight round ay napatumba niya ang challenger gamit ang right straight na tumama sa panga ng Mexicano.
Break sa eight round nang umayaw na si Parra matapos suriin ng mga doctor ang kanyang malaking putok sa kaliwang kilay tungo sa panalo na kumumpleto sa magandang ipinakita ng mga Filipino boxers laban sa bisitang boksingero.
Ang panalo ay nag-akyat sa karta ni Nietes sa 35 panalo sa 40 laban, kasama ang 21 KOs, para magkaroon ng momentum papasok sa mandatory title defense laban kay Francisco Rodriguez Jr. ng Mexico na gagawin sa Hulyo 4 sa Cebu City.
Bago ito ay naipakita ni Donaire na taglay pa niya ang bangis sa magkabilang kamao nang hiritan ng 2nd round technical knockout panalo si William Prado ng Brazil para sikwatin ang bakanteng WBC North American Boxing Federation (NABF) super bantamweight title.
Halos hindi nakasuntok si Prado sa dalawang round na tagisan at si Donaire ay nakitaan ng maiinit na laban sa second round tungo sa magandang panalo.
Tatlong matitinding kaliwa na lumusot sa depensa ni Prado ang naging tulay para magdesisyon si referee Bruce McTavis na itigil na ang laban sa 2:16 sa ikalawang round nang hindi na makasuntok ang challenger.
Lahat ng nasa pulang corner ay nagwagi sa laban at si Albert Pagara ay nagtagumpay sa pagdepensa sa IBF inter-continental Jr. featherweight title nang hiritan si Rodolfo Hernandez ng Mexico ng fifth round TKO panalo. (AT)