Laro Ngayon (The Arena, San Juan)
4:15 pm Shopinas vs Foton
6:15 pm Mane ‘N Tail vs Philips Gold
MANILA, Philippines – Ito pa lamang ang kanilang unang pagsali sa torneo, ngunit dalawang sunod na panalo kaagad ang inilista ng Shopinas.
Umiskor ang Lady Clickers ng 25-18, 26-24, 29-27 panalo laban sa Philips Gold para makisosyo sa liderato ng 2015 Philippine Superliga women’s volleyball tournament All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan kahapon.
Nagtuwang sina veteran Michelle Laborte at rookie Kim Dy para sa 2-0 record ng Shopinas sa inter-club women’s volleyball tournament na suportado ng Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
Kumamada sa third set sina Laborte at Dy para sa 28-27 abante ng Lady Clickers.
Nakagawa si Myla Pablo ng net violation sa panig ng Lady Slammers na siyang nagpaguho sa kanila.
Pinuwersa ng Shopinas ang Philips Gold sa 34 turnovers.
Tumapos sina Stephanie Mercado at Cha Cruz na may magkakatulad na 9 points, habang nagdagdag si Laborte ng 8 points para sa Lady Clickers, umiskor ng four-set victory laban sa Mane ‘N Tail Lady Stallions sa Biñan, Laguna noong nakaraang linggo.
“Medyo mabigat pa, especially Mic-mic (Laborte),” sabi ni coach Ramil de Jesus. “I can’t really tell when are we going to get our form back. But I’m glad that we’re slowly adjusting. Let’s see how we perform after the long (Holy Week) break.”
Ito ang ikalawang sunod na kamalasan ng Philips Gold.