PSL All-Filipino Conference Lady Slammers babangon vs Lady Clickers

Laro Ngayon (The Arena, San Juan)

2:30 pm Philips Gold vs Shopinas

4:30 pm Mane ‘N Tail vs Cignal

MANILA, Philippines – Babangon ang Phi­lips Gold Lady Slammers mula sa kabiguan sa u­nang laro sa pagbangga sa inspiradong Shopinas Lady Clickers  sa pagpapatuloy ng 2015 Philippine SuperLiga All-Filipino Conference ngayon sa The Arena sa San  Juan City.

Papasok sa laro ang Lady Slammers mula sa 16-25, 19-25, 23-25, straight sets pagkatalo sa Petron Lady Blaze Spikers dahil nagkakapaan pa ng laro ang mga kasapi ng koponan.

“Nagsisimula pa lamang kami mag-jell dahil mga bagong players ang nagsasama-sama. Pero nangako sila na mas maganda ang ipakikita nila,” wika ni Lady Slammers coach Francis Vicente.

Sa ganap na alas-2:30 ng hapon magsisimula ang laro at ang Lady Clickers ay magtatangkang dugtungan ang 25-22, 25-22, 16-25, 25-14, panalo sa Mane ‘N Tail Lady Stallions para saluhan ang Petron (2-0) sa itaas ng standings sa ligang  inor­ganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine,Via Mare, LGR at Healthway Medical.

Ang mata ay itututok kay Fil-Am setter Iris Tole­nada pero tiyak na sisipatin din ang pagkikita ng mga da­ting magkakasama sa La Salle hanggang sa AirAsia at Generika.

Sina Michelle Gumabao at Melissa Gohing ay nasa Philips Gold at makakaharap nila sina Cha Cruz at Stephanie Mercado bukod pa ang dating coach na si  Ramil de Jesus.

“Sila ang mga dating veterans ng team at tini­tingnan para sa leadership. Ngayon na wala na sila, dapat ay magtulung-tulong ang  mga players sa loob,” wika ni De Jesus.

Mag-uunahan naman ang Lady Stallions at Cignal HD Lady Spikers sa pagsungkit ng kanilang unang panalo sa kanilang pagkikita dakong alas-4:30 ng hapon.

Natalo sa Foton Tornadoes sa unang asignatura, ang Cignal ay huhugot ng lakas kina Janine Navarro, Jeanette Panaga at Michelle Segodine habang sina Honey Royse Tubino, Abigail Praca at Danika Genrauli ang aasahan ng Lady Stallions. (AT)

Show comments