MANILA, Philippines - Iwagayway ang bandila ng Pilipinas laban sa mga determinadong dayuhang katunggali ang pagsisikapang gawin nina Donnie Nietes at Nonito Donaire Jr. sa pagsambulat ng Pinoy Pride 30 D-Day ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Main event sa fight card na handog ng ALA Promotions at suportado ng ABS-CBN si Nietes na itataya ang kanyang WBO World Jr. Flyweight title kontra kay Gilberto Parra ng Mexico City.
Si Nietes (34-1-4, 20KOs) ang pinakamahabang nakatayong kampeon ng bansa dahil ang unang kampeonato na kanyang nakuha ay noon pang Oktubre 8, 2011.
Wala ring Mexicano ang nanalo pa sa kanya at walang kabalak-balak si Nietes na masira ang record na ito lalo pa’t ang laban ay sa harap ng kanyang mga kababayan gagawin.
“Matagal na akong naghahanda para sa laban na ito kayat excited na ako. Pinag-aralan namin ang kanyang ikinikilos at handa na sa laban,” wika ni Nietes na tumimbang sa eksaktong 108-pounds sa weigh-in kahapon sa Big Dome.
Nasa ganitong timbang din si Parra (19-2, 17KOs) na lalaban sa labas ng Mexico sa unang pagkakataon.
Tiwala naman siya sa tsansang manalo at gagamitin ang kaunting bentahe sa height para makuha ang pinakamalaking panalo sa kanyang career.
“I am ready for this fight. I’m taller than him and I will use my distance to win this fight,” wika ni Parra.
Sa kabilang banda, patutunayan ni Donaire (33-3, 21KOs) na kaya pa niyang maibalik ang dating mabangis na porma sa pag-asinta ng kumbinsidong panalo laban kay William Prado (22-4-1, 15KOs) ng Brazil.
Ito ang unang laban ng 32-anyos na si Donaire matapos lasapin ang 6th round knockout kay Nicholas Walters ng Jamaica noong Oktubre para maisuko rin ang WBA World featherweight title.
Dahil dito ay bumaba uli si Donaire sa super bantamweight at paglalabanan nila ni Prado ang bakanteng WBC-NABF super bantamweight crown.
“A win here will determine what my next plan will be. I need to go into a process if I want to get a crack at the title,” wika ni Donaire.
Hindi naging problema ang pagbaba ng timbang ni Donaire dahil siya at si Prado ay nasa eksaktong 122-pounds sa timbangan.
May dalawa pang laban na may titulong nakataya at isa sa magtatangka ay si Prince Albert Paraga laban kay Rodolfo Hernandez ng Mexico para sa IBF inter-continental Jr. featherweight crown.
Sina Ryo Akaho ng Japan at Prosper Ankrah ng Ghana ang magtutuos para sa WBO internationnal super bantamweight crown.
Ang mga labang ito ay mapapanood sa Linggo sa ABS-CBN mula alas-9:45 ng umaga. (ATAN)