MILWAUKEE -- Nagposte si Ersan Ilyasova ng career-high 34 points para banderahan ang Bucks sa 111-107 panalo laban sa Indiana Pacers at buhayin ang kanilang pag-asa sa playoffs.
“Sometimes, you have days like this,’’ wika ni Ilyasova.
Naglista si Ilyasova ng 12 of 14 fieldgoal shooting at nagtala ng 5 of 6 sa 3-point range.
Nag-ambag si Khris Middleton ng 17 points kasunod ang 16 ni Giannis Antetokounmpo para sa Bucks, nakamit ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos basagin ang six-game losing slump.
Naimintis naman ni George Hill ang isang potensyal na three-pointer sa huling mga segundo na siya sanang nagtabla sa Indiana papunta sa overtime.
Kumamada si C.J. Miles ng 26 points, habang nagdagdag si Hill ng 24 at may 23 si C. J. Watson sa panig ng Pacers.
Naglaro ang Indiana na wala si forward David West na may allergic reaction.
Nagbukas ang Bucks ng double-digits na kalamangan pero ginamit ng Pacers ang galing sa 3-point shooting para makadikit sa labanan.
Dalawang free throws ni Watson at jumper ni Roy Hibbert ang naglapit sa Pacers sa 109-107.
Isang free throw lamang ang naisalpak ni Antetokounmpo para gawing tatlo ang kalamangan sa huling 11.6 segundo.
Nagawang pumukol ng tres si Hill pero sablay ito habang split ang naihatid ni Jerry Bayless para selyuhan ang panalo.