MANILA, Philippines - Mapapanood ng lahat ng Filipino ang pinakasasabikang laban ni Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. matapos magkaisa ang malalaking networks para maisaere ito.
Pinaunlakan ng Solar Sports Entertainment ang kahilingan ni Pacquiao na maipalabas din ang kanyang pinakamalaking laban sa ibang television networks na GMA 7, ABS-CBN at TV5 at ito ay pinagtibay sa isang pulong pambalitaan kahapon sa Solaire Resorts and Casino.
“Isa itong makasaysayang laban para kay Manny kaya hiling niya ay sabay-sabay itong masaksihan ng buong bayan. This is enormous sports coverage unseen in Philippines because we are combining the broadcast might of the country’s leading sports channel Solar Sports and free-to-air tv giants GMA 7, ABS-CBN and TV5,” wika ni Wilson Tieng, CEO ng Solar Entertainment.
Ang Solar ang nakakuha ng broadcast rights para sa laban sa Mayo 2 sa halagang $10 milyon bago ito pumasok sa kasunduan sa ibang television networks.
Dumalo rin sa pagtitipon ang malalaking personalidad ng mga networks na nabanggit tulad nina Felipe S. Yalong ng GMA7, Dino Laureano ng ABS-CBN, Sports5 executive Chot Reyes at Oscar Reyes Jr., managing director at CEO ng Cignal.
Naroroon din si Edgar Tejerero, pangulo ng SM Lifestyle Entertainment, dahil ang mga sinehan ng SM at Walter Mart ang gagamitin para mapanooran din ng laban.
Nagkaroon din ng sandaling video patch interview kay Pacquiao at pinasalamatan niya ang pagkakaisa ng mga dambuhalang kumpanya sa telebisyon para maisaere ang laban nila ni Mayweather.
“Ang Solar ang talagang nag-effort to make it happen. Salamat din sa GMA 7, ABS-CBN at TV5 sa pagkakaisa para maipalabas ang fight na ito sa ating mga kababayan,” ani Pacquiao.
Sa napagkasunduan, ang live feeds na ipalalabas ng tatlong networks ay manggagaling sa Solar Sports habang ang Radio GMA pa rin ang magsasaere ng live sa laban. Ang Cignal ang siyang hahawak sa Pay-Per-View at ang subscription rate ay P2,000. Gagamitin din ng Sports5 ang kanilang ibang digital platform para mapanood din ang laban sa tablets, mobile phones at telpad at ang halaga nito ay nasa P500.