‘Di na pakakawalan ng Lady Falcons

Laro Ngayon (Rizal Memorial Diamond)

9 a.m.  UP vs Adamson

MANILA, Philippines – Asahan ang mas ma­init na paglalaro mula sa A­damson Lady Falcons dahil pupuntiryahin ng koponan ang ikalimang sunod na titulo sa  UAAP softball sa pagharap sa UP Lady Maroons ngayon sa Rizal Memorial Ballpark.

Sa ganap na alas-9 ng umaga magsisimula ang labanan at kung papalarin uli ang tropa ni coach Ana Santiago ay maiaangat nila sa 62-0 ang makasaysayang winning streak na nagsimula noon pang 2011

Lumapit ang Adamson sa isang panalo tungo sa kampeonato sa pamama­gitan ng 6-0 panalo sa Lady Maroons noong Martes.

Nagbigay lamang ng two-hits at may 12 strikeouts si Annalie Benjamen habang ang Lady Falcons ay nagpakawala ng walong hits mula ikatlo hanggang ikalimang innings para makaiskor ng anim na runs.

Isa sa nais ni Santiago na makita ay ang mas ma­gandang panimula dahil sa Game One ay hindi sila nakaiskor sa unang da­lawang innings.

Sa kabilang banda, mananalig si coach Kiko Diaz na maitataas ng kanyang bataan ang hitting at pit­ching para mapigilan ang isa pang ‘perfect season’ sa Lady Falcons.

Ang rookie pitcher na si Cochise Diolata ang inaasahang muling pupukol sa State University.

Show comments