Laro Ngayon (JCSGO Gym, Cubao, Quezon City)
1 p.m. Cebuana Lhuillier vs Kera Mix
3 p.m. Cagayan Rising Suns vs MP Hotel
MANILA, Philippines – Pag-aagawan ngayon ng Cebuana Lhuillier Gems at KeraMix Mixers ang ikatlong sunod na panalo sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Sa ganap na ala-1 ng hapon magsisimula ang bakbakan at ang mananalo ay magsosolo sa itaas ng team standings sa hanay ng sampung koponan na naglalaban.
Galing ang Gems sa panalo laban sa Café France Bakers, 86-85, at MP Hotel Warriors, 118-78, habang magara rin ang panimula ng Mixers na tinambakan ang mga koponan ng Warriors (87-60) at ATC Liver Marin-San Sebastian Stags, 89-71.
Ito ang unang matinding laban ng Mixers pero naniniwala si coach Caloy Garcia na may tsansa silang manalo lalo na kung gaganda ang kanilang depensa.
“Man for man ay mas malakas sila. Pero kung malilimitahan namin si Moala (Tautuaa) may chance kaming manalo,” ani Garcia.
Wala namang problema para kay Gems coach David Zamar kung madepensahan ang 6’7 rookie lalo na kung magpapatuloy ang magandang pagtutulungan ng lahat ng kanyang manlalaro.
Matapos ang 34 puntos sa come-from-behind panalo sa Bakers, si Tautuaa ay nagkaroon lamang ng 11 puntos pero tinambakan pa rin ng koponan ang Warriors dahil sina Almond Vosotros at Norbert Torres ay nakitaan ng magandang paglalaro.
Ang Cagayan Valley at Warriors ang magtutuos sa ikalawang laro dakong alas-3 ng hapon at patok ang pumangalawa sa Aspirants’ Cup na matuhog ang ikalawang sunod na panalo base sa ipikakita ng Warriors sa naunang dalawang asignatura. (AT)