Pacquiao negatibo uli-USADA
MANILA, Philippines – Sa ikatlong sunod na pagkakataon ay muling sumailalim si Manny Pacquiao sa isang random drug testing procedure sa Wild Boxing Club ni chief trainer Freddie Roach.
At kagaya ng naunang dalawang drug testing sa kanya, negatibo pa rin si Pacquiao, sumalang muna sa walong rounds ng sparring, sa paggamit ng anumang banned substance.
“Okay lang naman ang drug testing para walang pagdududa,” sabi ng Filipino world eight-division champion sa ikalawang sunod na random drug testing na ginawa sa kanya ng isang medic ng U.S. Anti-Doping Agency (USADA).
Ang Nevada State Athletic Commission ang unang nagsagawa ng drug testing kay Pacquiao kasunod ang paggagawad nito ng boxing license sa Filipino boxing superstar para sa kanilang laban ni Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Matatandaan na tinanggihan ni Mayweather ang naunang panukala ni Pacquiao na $5 milyon na penalty sa sinuman sa kanila na mapapatunayang positibo sa paggamit ng Performance-Enhancing Drugs (PEDs).
Sinabi ng USADA na ang babagsak sa drug testing ay papatawan ng four-year ban.
Halos anim na linggo na lamang bago ang laban, palaki nang palaki ang perang umiikot para sa Pacquiao-Mayweather fight na posibleng umabot sa $400 milyon.
- Latest