MANILA, Philippines – Kung kaagad mapapadugo ni Manny Pacquiao ang mukha ni Floyd Mayweather Jr. sa kanilang laban sa Mayo 2 ay magkakaroon siya ng malaking bentahe.
Ito ang paniniwala ni Freddie Roach, ang chief trainer ni Pacquiao, dahil sa pagkakaroon ng epekto sa kilos ni Mayweather sa tuwing ito ay napuputukan sa mukha.
“Mayweather is bothered by blood,” ani Roach. “I don’t know if Manny will be willing (to purposefully instigate a cut), but accidents do happen.”
Kilala ang 38-anyos na si Mayweather bilang isang defensive fighter at ginagamit ang kanyang siko at braso para maitago ang kanyang makinis na mukha sa kalaban.
Plano ni Roach na pasugurin si Pacquiao sa first round pa lamang ng kanilang upakan ni Mayweather.
Ngunit dapat itong pag-ingatan ni Pacquiao.
Noong Disyembre ng 2012 ay isang counter right ang pinakawalan ni Juan Manuel Marquez sa pagsugod ni Pacquiao sa huling segundo ng sixth round na nagresulta sa pagbagsak ng Filipino boxing superstar.
Maaari ring asarin ni Pacquiao si Mayweather para mawala ang estratehiya ng American fighter sa laban, ayon kay Roach.