MANILA, Philippines – Makikilala ang Sha-key’s V-League Open Conference bilang isang liga na katatampukan ng pinakamahuhusay na manlalaro sa kababaihan sa bansa.
Ang conference na ito ang siyang magbubukas sa 12th season ng ligang inorganisa ng Sports Vision at katuwang ng Shakey’s, katatampukan ito hindi lamang ng mga beteranang manlalaro na tiningala na kundi pati ang mga hinangaan sa collegiate league.
“The 12th season will be bigger and better,” wika ni Mauricio “Moying” Martelino, chairman ng Sports Vision na dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.
“We will have eight teams competing and practically all the stars in women’s volleyball are seeing action this conference,” dagdag ni Martelino na sinamahan sa Forum ni Sports Vision president Ricky Palou.
Ang UAAP MVP na si Alyssa Valdez ang siyang mangunguna sa mga bagong mukha at tiyak na hahatak siya ng atensyon sa mga manonood.
Si Valdez ay maglalaro sa PLDT at makakasama niya ang kakampi sa Ateneo at Best Libero ng UAAP na si Dindin Lazaro. Bukod pa ito kina NCAA MVP Gretchel Soltones, Amanda Villanueva at ang 6’4 spiker na si Jaja Santiago.
Ang Army na dadalhin pa rin nina Dindin Santiago-Manabat, Tina Salak, Jovelyn Gonzaga at Rachel Ann Daquis, ang magtatangka na mapanatili ang kampeonato sa liga habang ang iba pang hahamon ay ang Meralco, Fourbees, Philippine Coast Guard, Navy at Baguio.
Makadaragdag-kulay sa season-opening conference ng liga ay ang pagbubukas ng Spikers’ Turf na katatampukan ng men’s volleyball players. Sa Abril 5 magsisimula ang liga. (AT)