MANILA, Philippines – Hindi mangyayari ang pinangangambahang kontrobersyang pagtatapos sa kinasasabikang pagkikita ng dalawang tinitingalang boksingero sa kapanahunang ito na sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Mismong ang Nevada Athletic Commission ang naggarantiya nito at ayon kay executive director Bob Bennett ay masusi niyang pinag-aaralan ang referee at huradong kukunin para maging patas at walang bahid anomalya ang desisyong igagawad sa mega fight sa Mayo 2 sa MGM Grand Arena.
“We are going to select the best of the best. We’re going to look for officials who are experienced and are experienced in working big fights, particularly in Las Vegas,” wika ni Bennett sa Las Vegas Review Journal.
Sa Abril 21 ilalabas ni Bennett ang kanyang rekomendasyon at ipapasa sa lima-kataong commission na siyang maggagawad ng pinal na desisyon sa usaping ito.
“We know the entire world is going to be watching so there’s added stress involved,” dagdag ni Bennett.
Ang magkaroon ng kontrobersya lalo na sa desisyon ng laban ay hindi dapat mangyari lalo pa’t ginagawa rin nina Pacquiao at Mayweather ang kanilang parte para tiyakin na malinis sila pagsapit ng laban.
Sumasailalim ang dalawa sa pinaigting na drug testing at ang boksingerong matutuklasan na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ay papatawan ng tatlong taon ban sa sport.
Inaasahan na ang tagisan ay magiging mainitan at mahigpitan mula sa first round hanggang sa 12th round, kung walang matutulog alinman kina Pacquiao at Mayweather, kaya’t mahalagang makakuha ng karapat-dapat na opisyales para hindi masira ang tagisang hinintay na maganap limang taon na ang nakalilipas. (AT)