Laro sa Huwebes (JCSGO Gym)
1 p.m. Cebuana Lhuillier vs KeraMix
3 p.m. Cagayan vs MP Hotel
MANILA, Philippines – Binigo ng Jumbo Plastic Giants ang hangad na magandang panimula ng Hapee Fresh Fighters nang angkinin ang 64-61 panalo sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Naisalpak ni Jaymo Equilos ang dalawang free throws mula sa foul ni Chris Newsome sa huling 6.6 segundo para makabangon ang Giants mula sa 61-79 pagkadurog sa Tanduay Light Rhum Masters sa unang laro.
“Hapee is still adjusting with their new players and I felt this is our best chance to beat them,” wika ni Giants coach Stevenson Tiu.
Sina Juami Tiongson at Glenn Khobuntin ay naghatid ng tig-14 puntos habang si Equilos ay may anim na puntos.
Naghatid ng 22 puntos si Earl Scottie Thompson at ang kanyang reversed shot ang nagdikit sa Fresh Fighters sa isa, 61-62, sa huling 49.5 segundo.
Nabalik pa sa koponan ang bola sa sumunod na play pero nagkaroon ng dribbling error si Thompson at ang bola ay nakuha ni Equilos tungo sa dalawang mahahalagang free throws.
Ang Aspirants’ Cup champion ay nabawasan ng puwersa dahil nawala na ang San Beda players sa pangunguna ni Ola Adeogon.
Nakapaglaro si Bobby Ray Parks Jr. pero ang 2-time UAAP MVP na napilayan sa Game Two sa Finals noong nakalipas na conference ay wala pa sa tamang kondisyon at nagkaroon lamang ng isang puntos.
Bumangon din ang Café France Bakers mula sa masaklap na pagkatalo sa unang laro sa pamamagitan ng 68-62 panalo laban sa Rhum Masters.
Naipasok ni Alvin Abundo ang krusyal na three-pointer para palawigin ang tatlong puntos na kalamangan tungo sa pagsantabi sa 85-86 pagkatalo sa Cebuana Lhuillier Gems.
Tumapos ang Bakers bitbit ang 12-of-31 shooting sa 3-point land.
“I challenge the boys to show their true worth. I hope, we can keep on improving in our next games,” wika ni Bakers coach Edgar Macaraya.