MANILA, Philippines – Nakikita ng isang kilalang boxing commentator ang posibilidad na mauwi sa kontrobersya ang kinasasabikang tagisan sa pagitan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Si Bob Sheridan ay nakapanayam ng Ontheropesboxing.com at naihayag ang paniniwalang magiging dikitan ang lahat ng rounds na paglalabanan ng dalawang tinitingalang boksingero sa kapanahunang ito na magtutuos sa Mayo 2 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
“This Mayweather-Pacquiao fight, I expect a lot of close rounds and I expect it to be a controversial decision because of the close rounds,” wika ni Sheridan.
Tinuran niya na magkaiba ang istilo ng dalawang boksingero kaya’t ito ang nakadaragdag ng interes sa mga manonood.
Idinagdag pa niya na maganda sana kung nangyari ang bakbakan limang taon na ang nakalipas dahil parehong nasa kalakasan pa sina Pacquiao at Mayweather pero hindi naman niya inaalis ang katotohanang panonoorin pa rin ito ng mga tao dahil sa naabot na tagumpay ng dalawang boxers.
“The promotion leading up to this fight will make it probably one of the richest sporting events in the history of sports,” dagdag ng commentator na kilala sa taguri bilang “The Colonel’.
Dahil nakikitang dikitan ang labanan kaya’t umaasa si Sheridan na mga de-kalibreng judges ang iluluklok para siyang humusga sa pinakamalaking laban sa kasaysayan ng boxing.
Kung magkaroon ng kontrobersya, tiyak na matutuwa naman ang mga mahihilig sa boxing dahil mangangahulugan ito na magkakaroon ng rematch sina Pacquiao at Mayweather. (AT)