STA. CRUZ, Laguna, Philippines – Inangkin pa ni Fil-American thrower Caleb Stuart ang kanyang ikatlong ginto nang pangunahan pa ang discus throw sa pagtatapos kahapon ng Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex dito.
Ang 24-anyos na si Stuart ay nakapagtala ng 48.17m sa huling attempt upang lunurin ang 42.72m best throw ng pumangalawang si Sean Santamina ng Team Rio at tumerserang si John Albert Mantua ng JRU na may 39.10m.
Matapos ang event ay idineklara niya na handa niyang balikatin ang tatlong events sa Singapore SEA Games na kabibilanganan din ng hammer throw at shot put.
“I am going to talk to the officials to get me in these three events,” wika ni Stuart na babalik ng US sa Marso 24.
Sa hammer throw lamang patok sa ginto si Stuart dahil ang kanyang naitala sa kompetisyong inorganisa ng PATAFA at suportado ni Laguna Governor Ramil Hernandez na 64.81m ay lampas sa 62.23m SEAG record.
Ngunit ginarantiya niya na gagawin ang lahat para maitaas pa ang marka sa shot put at discus throw tungo sa hanap na tagumpay sa Singapore Games.
Ang 48.17m marka sa discus throw at 16.52m sa shot put ay mababa sa bronze medal mark sa Myanmar na 51.96m at 16.85m.
Nakuha rin ni Ernest John Obiena ang ginto sa pole vault pero sa mababang 5m marka.
Hindi naalpasan ni Obiena ang bar na nasa 5.22m dahil malambot ang pole na ginagamit niya.
“Kailangan ko na ng bagong pole. Dapat longer and stiffer dahil malakas na ang dating ko. I hope mabilhan ako ng bagong pole,” wika ni Obiena na ang Philippine record ay nasa 5.20m.
Naniniwala rin si Obiena kaya niyang makapagtala ng record dahil nakapagsumite ang 19-anyos ng 5.15m sa sinalinang Indoor Pole Vault Championship noong nakaraang linggo sa Chinese Taipei.