Phl team babanderahan ni Valdez sa U23 at SEAG
MANILA, Philippines – Pangungunahan ng itinuturing bilang pinakamahusay na collegiate volleyball player ng bansa na si Alyssa Valdez ang Pambansang koponan na maglalaro sa dalawang malalaking international tournaments.
Makakasama ni Valdez sina UAAP Best Setter Julia Morado at Bea De Leon. Ang tatlong ito ay nakatulong sa Ateneo Lady Eagles sa makasaysayang 16-0 sweet sa 77th season.
Ang dating Best Setter ng La Salle Lady Archers na si Kim Fajardo ay kasama rin bukod pa sa mga matatangkad na manlalaro, ang magkapatid na sina 6’2 Dindin Santiago-Manabat at 6’4 Jaja Santiago.
Kasama rin ang 90th NCAA Season MVP na si Gretchel Soltones bukod pa ang kakampi sa San Sebastian Lady Stags at Best Digger at Receiver na si Alyssa Eroa habang nakuha rin sina UST Tigresses EJ Laure at Marivic Meneses, NU Lady Bulldogs Myla Pablo, FEU Lady Tamaraws libero at UAAP Best Digger Christine Agno at Christine Rosario ng NCAA champion Arellano Lady Pirates.
Ang mga manlalarong ito ay ihahanda para sa Asian Women U-23 Championship na gagawin sa bansa mula Mayo 1 hanggang 9.
Sina Aby Maraño, Aiza Maizo-Pontillas, Jovelyn Gonzaga at Rhea Dimaculangan ay idinagdag din para sa bubuuing koponan sa Singapore SEA Games sa Hunyo.
Si Roger Gorayeb ang head coach at si Sammy Acaylar ang assistant coach habang ang back-to-back champion coach sa UAAP na si Thai mentor Tai Bundit ang siyang trainer.
Aayusin ngayon ng koponan ang iskedyul ng mga manlalaro para maitakda ang kanilang pagsasanay na sisimulan sa Abril 1.
- Latest