HOUSTON-- Kumamada si James Harden ng career-high 50 points bukod pa sa 10 rebounds para pamunuan ang Rockets sa 118-108 panalo laban sa Denver Nuggets sa gabing ipinagdiwang ng koponan ang ika-20 anibersaryo ng back-to-back NBA titles ng prangkisa noong 1994 at 1995.
Si Harden ay pinanood nina dating Rockets superstars Hakeem Olajuwon at Clyde Drexler sa front row.
Ito ang pang-siyam na beses na isang Rockets player ay nakaiskor ng 50 points at unang pagkakataon matapos ang 51 markers ni Olajuwon kontra sa Boston Celtics noong Jan. 18, 1996.
Nalampasan ni Harden ang nauna niyang career-best na 46 points noong 2013 mula sa free throw sa huling isang minuto ng laro.
Sa sumunod na posesyon ng Houston ay pinasahan siya ni Trevor Ariza sa corner at tumipa ng tres para sa kanyang pang-50 points.
Nakalapit ang Nuggets sa 8 point-deficit sa huling limang minuto ng laro kasunod ang limang sunod na puntos ng Rockets para muling makalayo sa 104-91.
Sa New York, itinabla ni Zach LaVine ang laro at nagsalpak ng go-ahead free throws sa huling 10.7 segundo para igiya ang Minnesota Timberwolves sa 95-92 overtime win laban sa Knicks.
Sa Los Angeles, nagtala si Gordon Hayward ng 22 points, habang nagdagdag ng 17 si Trey Burke sa 80-73 panalo ng Utah Jazz kontra sa Lakers.
Ito ang pang-50 kabiguan ng Lakers sa season.