MANILA, Philippines - Hindi payag ang ama ni Floyd Mayweather Jr. na tanggapin lamang ang mga patutsada sa kanya ni trainer Freddie Roach.
Ang ginamit ng naka-tatandang Mayweather ay ang huling panalo ni Pacman kay Chris Algieri.
Ayon kay Mayweather Sr., malayo ang kalidad ni Algieri sa mga mabibigat na nakalaban nito tulad nina Shane Mosley, Miguel Cotto at Oscar de la Hoya na dinomina ni Pacquiao.
Pero nakakagulat na hindi nagawang tapusin umano ni Pacquiao si Algieri kahit anim na beses nang natumba sa laban.
“That guy (Algieri) was a sub-novice fighter fighting Pacquiao. He supposed to be a top pro in boxing and he talking’ about whooping’ the cream of the top!? Man, come on. Pac-Man better sit down,” banat ni Floyd sa The Boxing Voice.
Binigyan diin pa nito ang katotohanang wala nang napapatulog ang Pambansang Kamao sa huling limang taon at para sa kanya, senyales ito na humina na rin si Pacquiao.
Naunang sinabi ni Roach na kayang manalo ni Pacquiao sa pamamagitan ng knockout dahil hindi na ito ang dating Mayweather na hinangaan at itinalaga bilang pound for pound king.
Nagpatuloy pa ng pang-aalaska si Roach at tinuran ang napakamahal na pagkain na ipinaluluto nito sa kanyang chef na binabayaran ng $1,000 kada paghahanda ng pagkain.
“I’ve read that Chef Q will be preparing meals high in protein which is perfect because Floyd is going to be eating a lot of ‘Leather a la Manny,” wika ni Roach.
Inaasahang magpapatuloy ang palitan ng maanghang na salita ng dalawang trainers hanggang sapitin ang Mayo 2 na kung saan magaganap ang makasaysayang pagtutuos ng dalawang tinitingalang boksingero sa kapanahunang ito.
Samantala, nagkaroon ng espesyal na bisita si Manny Pacquiao habang naghahanda para sa pakikipagsukatan kay Mayweather.
Si Gennady Golovkin na world middleweight champion ay nagpunta sa Wild Card Gym sa California para kamustahin ang preparasyon ni Pacquiao.
May 32-0 baraha, kasama ang 29 KOs, si Golovkin ay masaya pang nagpakuha ng larawan sa People’s Champ.
Sa Mayo 2 ang mega fight nina Pacquiao at Mayweather at sa Mayo 16 ay sasalang sa aksyon si Golovkin laban kay Willie Monroe Jr. sa Inglewood, California para idepensa ang WBA at WBC interim middleweight titles.
Habang sinsiro ang pagbisita ni Golovkin, masasabing bahagi rin ng promotion ito para sa kanyang magaganap na laban. (ATan)