Laro Ngayon (Ynares Sports Arena, Pasig City)
12 nn Cagayan vs AMA University
2 p.m. MP Hotel vs Cebuana Lhuillier
4 p.m. Liver Marin vs KeraMix
MANILA, Philippines – Hanap ni Cebuana Lhuillier coach David Zamar ang mas magandang pagtutulungan para mas tumibay ang puwersa ng koponan sa PBA D-League Foundation Cup.
May 1-0 karta ang Gems nang nalusutan nila ang malakas na laro ng Café France, 86-85.
Ang bagong hugot na si Moala Tautuaa ay gumawa ng 34 puntos at sapat ang split sa 15-footline sa huling 2.7 segundo para makumpleto ang pagbangon ng Gems mula sa 21 puntos pagkakalubog sa ikatlong yugto.
“We may be strong on paper but we have to prove it on the court. We can’t depend of Mo alone. We have to play and work as a team,” wika ni Zamar.
Makikita kung ang panawagan ito ay may epekto agad dahil kalaban ng Gems ang MP Hotel Warriors sa ikalawang sultada sa triple-header game dakong alas-2 ng hapon.
Durog ang Warriors sa kamay ng baguhang KeraMix Mixers, 60-87, at tiyak na gagawin nila ang lahat na paraan para makabangon mula sa masamang panimula.
Ang Mixers ay magtatangka rin sa kanilang ikalawang sunod na panalo laban sa rookie team na ATC Liver Marin-San Sebastian sa huling laro dakong alas-4 habang ang unang laro sa ganap na alas-12 ng tanghali ay sa hanay ng AMA University Titans at Cagayan Rising Suns.
Galing sa 88-81 panalo ang Titans nang kumana si Jeremy King ng 24 puntos habang si Jay-R Taganas ay mayroong 19 puntos at 19 rebounds.
Dapat na manatili ang magandang panimula ng dalawang manlalarong ito dahil nais ng Rising Suns na pumangalawa sa Aspirants’ Cup, na patunayan na palaban pa rin sila kahit nawala sa koponan ang kanilang number one rookie pick na si Tautuaa.