Guiao pinagmulta rin ng PBA

MANILA, Philippines – Matapos sina Rain or Shine big men Beau Belga at Raymond Almazan, si head coach Yeng Guiao naman ang pinagmulta ng PBA Commissioner’s Office kahapon.

Pinagbayad ang 55-an­yos na si Guiao ng kabuuang multang P22,400 matapos ang 114-129 pagkatalo ng Elasto Painters sa San Miguel Beermen noong Marso 13.

Ang P20,000 ay dahil sa pagbalya ni Guiao sa likuran ni San Miguel import Arizona Reid na kanyang nakaasaran, habang ang P2,400 ay para sa kanyang ikalawa at ikatlong technical fouls ngayong komperensya.

Nagalit si Reid, naglaro para sa Rain or Shine sa nakaraang tatlong Governor’s Cup, nang pakawalan siya ng Elasto Painters sa Beermen.

Noong Martes ay pinagmulta ng PBA Commissioner’s Office sina Belga at Almazan P70,000 at P40,000, ayon sa pagkakasunod, sa kanilang 82-79 panalo laban sa Barangay Ginebra noong Marso 15.

Show comments