Petron Lady Spikers paborito sa titulo

MANILA, Philippines – Pinangalanan ang Pet­ron Lady Blaze Spikers bilang team to beat sa gaga­naping 2015 Philippine SuperLiga All-Filipino Conference na magbubukas na sa Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang limang katunggaling coaches ni Petron mentor George Pascua ang nagsasabing angat ang Petron sa lahat dahil sa pagkakaroon ng mga de-kalibreng manlalaro sa isinagawang press confe­rence kahapon sa MOA Arena.

Babalik sa koponan si Dindin Santiago-Manabat pero lumalim ang arsenal ng koponan dahil nakuha nito sina Abigail Maraño, Rachel Ann Daquis at ang Fil-American Alexa Micek.

“Sila ang nagsabi niyan kaya tatanggapin ko. Pero kailangan pa namin na mabuo ang chemistry dahil sa maraming baguhan,” wika ni Pascua.

Ang limang iba pang koponan na Philips Gold Lady Slammers, Cignal HD Spikers, Foton Tornadoes, at Shopinas.com Lady Clickers ay tiyak na maggigitgitan sa pangalawang puwesto.

Ang baguhang Philips Gold na hawak ni Francis Vicente ay ipinalalagay na solidong koponan dahil nakuha nila bilang top pick ang Fil-Am setter na si Iris Tolenada.

“All  teams have impro­ve and we are excited,” wika ni PSL president Ramon “Tats” Suzara na sinamahan din nina PSL chairman Philip Ella Juico at ni Vincent “Chot” Reyes na head ng TV5 na siyang kapartner ng PSL sa susunod na tatlong taon.

Masisiyahan ang mga panatiko ng liga dahil may live game na ipalalabas bawat playdate habang ang isa pang aksyon ay mapapanood  kinagabihan.

May mga pagbabago rin sa aspetong teknikal  dahil gagamit sa unang pagkakataon ng microphone headset para maintindihan ng mga manonood ang tawag ng referee habang magkakaroon ng video challenge sa pagpasok ng playoff. (AT)

Show comments