Stuart tiket sa Rio Olympics ang puntirya sa SEA Games, sigurado na sa 2 ginto
MANILA, Philippines – Tiniyak kahapon ni Caleb Stuart ang kakayahang bigyan ng dalawang ginto ang Pilipinas sa paglahok niya sa Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo.
Bumisita sa unang pagkakataon sa PSA Forum sa Shakey ‘s Malate ang 24-anyos at 6’2 na si Stuart na siyang ipanlalaban ng PATAFA sa hammer throw at shot put sa SEAG.
“I think I can win two gold medals,” wika ni Stuart na ang ina na si Rowena ay tubong Pampanga.
Paborito ang Fil-American sa dalawang events dahil ang kanyang mga personal best sa hammer throw at shot put na 68.66m at 17.88m ay lampas na sa kasalukuyang SEA Games records na 62.23m at 17.74m.
Dahil halos tiyak na ang ginto kaya ang target ni Stuart sa Singapore Games ay ang gamitin ito para maipasok ang sarili sa 2016 Rio Olympics.
Ang SEAG ay may basbas ng International Federation (IAAF) kaya’t maaaring gamitin ito ng mga atleta para maabot ang mga qualifying standards sa iba’t-ibang events sa athletics.
Sa hammer throw ang puntirya ni Stuart para makalaro sa Olympics dahil ang kanyang personal best ay puwede pang umabot ng mahigit na 70-metro sa mga susunod na buwan.
Sa Abril 15 pa maglalabas ang IAAF ng qualifying standards pero inaasahang nasa 76-metro ang marka para makapasok ang isang manlalaro sa hammer throw.
Kasama na dumalo sa Forum sina PATAFA president Philip Ella Juico at ang dalawang American coaches na sina Dick Beardsley at Bill Schnier at nakikita ni Juico na magiging produktibo ang kampanya ng athletics sa Singapore.
“We’re very optimistic. Right now we are looking at probably eight with very strong possibility of another 5 or 6 which is 50-50,” wika naman ni Juico.
Makikita ang husay ni Stuart bukas dahil sasalang agad ito sa aksyon sa pagsisimula ng Philippine National Open Invitational Athletics Championships sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna. (AT)
- Latest