Training ni Pacquiao paiigtingin na ni Roach
MANILA, Philippines – Iaakyat na ang pagsasanay na ginagawa kay Manny Pacquiao para sa kanyang mega-fight kontra kay Floyd Mayweather Jr. ngayon sa pagsisimula ng sparring sessions sa Wild Card Gym.
Dalawang sparmates ang isasalang ni trainer Freddie Roach para bigyan ng matinding ensayo si Pacman upang tiyakin na nasa pinakamagandang kondisyon ito sa Mayo 2 (Mayo 3 sa Pilipinas).
Ang isang sparmate ay si Kenneth Simms na may 5-0 karta habang ang isa ay si Rashidi Ellis na hindi pa natatalo matapos ang 14 laban.
May apat pa ang nakalinya para makipagbugbugan sa Pambansang kamao sa unang bugso ng sparring sessions.
Hindi lalampas sa limang rounds ang sparring na gagawin din sa Huwebes at Sabado. Ang araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes ay para sa pagpapakondisyon ng katawan ni Pacquiao upang palakasin ang kanyang resistensya na mahalaga dahil plano nilang talunin si Mayweather sa bawat rounds ng kanilang tagisan sa MGM Grand Arena, Las Vegas.
Walang nakikitang problema si Pacquiao kung ilang rounds ang sparring na ipagagawa sa kanya dahil kondisyon ang kanyang pangangatawan na nauna nang nagsanay habang nasa bansa pa.
“I’m good. I feel very good and ready for the tougher road ahead of my preparation,” wika ni Pacquiao sa Philboxing.com.
- Latest