MANILA, Philippines – Nagtala ng disenteng pagtatapos ang mga Filipino marathoners na sina Rafael Poliquit Jr. at Mary Joy Tabal sa isinagawang Los Angeles Marathon kahapon.
Nakasali ang dalawang national athletes sa nasabing kompetisyon bilang bahagi ng kanilang premyo nang kinilala bilang King at Queen sa 2014 Milo Marathon National Finals.
Ang 26-anyos na si Poliquit ay naorasan ng dalawang oras, 36 minuto at 16 segundo para tumapos sa ika-27th puwesto sa kalalakihan habang si Tabal ay may 2:51:24 oras para malagay din sa ika-27th puwesto sa kababaihan.
Ito ang unang full marathon nina Poliquit at Tabal sa taong ito at ang 25-anyos tubong Cebu lady marathoner ay nakapagtala ng mas mabilis na tiyempo kumpara sa ginawa sa Nationals na 2:51:55.
Si Poliquit na sumalang sa marathon sa unang pagkakataon noong 2014, ay kapos ng mahigit na tatlong minuto sa 2:32:29 oras noong Disyembre.
Matapos makapagpahinga, isasalang uli ang dalawa sa matinding pagsasanay lalo pa’t sila ay inaasahang mapapabilang sa Pambansang delegasyon na lalaro sa Singapore SEA Games.
Malaking trabaho ang dapat na gawin nina Poliquit at Tabal kung nais nilang manalo ng medalya sa SEAG.
Ang bronze medal time sa kalalakihan noong 2013 SEA Games sa Myanmar ay 2:30:30 na ginawa ng Filipino marathoner na si Eric Paniqui habang 2:49:01 ang oras ng beteranang si Pa Pa ng Myanmar tungo sa pangatlong puwesto sa kababaihan.
Ang Kenyans ang mga nagpasikat sa L.A. Marathon nang kunin nina Daniel Limo at Olga Kimaiyo ang titulo sa kalalakihan at kababaihan sa 2:10:36 at 2:34:01 tiyempo.