INDIANAPOLIS – Umiskor si Tyler Zeller ng 18 points, habang tatlo pang Celtics ang nagdagdag ng 16 markers para igiya ang Boston sa 93-89 panalo laban sa Pacers.
Tinapos ng Celtics ang seven-game winning streak ng Pacers. Ito ang kanilang pang-apat na sunod na panalo at tumabla sa ninth place sa Eastern Conference at isang laro ang agwat sa Charlotte para sa huling playoff spot.
Ang Indiana ay pang-pito.
Tumipa si George Hill ng season-high 30 points para sa Pacers.
Nagpakawala ang Boston ng 17-4 bomba sa dulo ng first quarter para kunin ang 32-20 abante laban sa Indiana.
Nakadikit ang Pacers sa 89-91 agwat mula sa three-point shot ni Rodney Stuckey sa huling 5.8 segundo.
Ngunit nagsalpak si Brandon Bass ng dalawang free throws para selyuhan ang panalo ng Celtics.
Tumipa si Courtney Lee ng 17 points, habang may tig-15 sina Jeff Green at Zach Randolph para tulungan ang Memphis Grizzlies sa 96-83 panalo sa Milwaukee Bucks.
Nagdagdag si Beno Udrih, pumalit sa may injury na si Mike Conley, ng 14 points para wakasan ng Memphis ang two-game losing streak.
Pinamunuan ni Giannis Antetokounmpo ang Bucks sa kanyang 19 points kasunod ang 17 ni Khris Middleton, 14 ni Zaza Pachulia at 12 ni Ersan Ilyasova.
Kumamada si Stephen Curry ng 25 points at 11 assists para ipagdiwang ang kanyang ika-27 kaarawan at igiya ang Golden State Warriors sa 125-94 panalo sa New York Knicks.