MANILA, Philippines – Ipinakita ni Fil-American Caleb Stuart ang kayang gawin kung mapapasama sa Singapore SEA Games nang higitan niya ang record sa men’s hammer throws sa sinalihang kompetisyon kamakailan sa US.
Tumapon ang 24-anyos, 6’2 thrower ng 68.66 metro sa idinaos na Ben Brown Invitational mula Marso 13 at 14 sa Los Angeles para kunin ang gintong medalya.
Noong Biyernes sumalang sa aksyon si Stuart at ito ang tatayo na kanyang personal best at tinabunan ang dating 67.24m na nangyari noong Marso 28, 2014.
Ang maganda rito ay lalo pa niyang inilayo ang sariling marka sa kasalukuyang SEA Games record na hawak ni Tantipong Phetchaiya ng Thailand na 62.23 metro lamang. Ginawa ito ng Thai thrower sa 2013 SEA Games sa Myanmar.
Apat na tapon ang kanyang ginawa at foul ang dalawa habang ang naunang hagis ay nasukat sa 62.82m na lampas din sa kasalukuyang SEAG record.
Isa si Stuart sa kinukuha ng PATAFA na kung mangyayari ay sure gold hindi lamang sa hammer throw kungdi pati sa shotput dahil ang kanyang personal best ay nasa 17.88m at higit ito sa 17.74m SEAG record ni Chatchawal Polyiam ng Thailand na nairehistro noong Nobyembre 13, 2011.
Ang 250-pound athlete na ang kapatid na si Morgan ay naglaro sa national women’s softball team sa 2014 Asian Games, ay darating sa bansa para sumali sa Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna at kakatawanin niya ang Philippine Air Force mula Marso 19 hanggang 22.
Ang pagpasok ni Stuart ay magpapatatag sa pakay ng athletics delegation na pangunahan ang kampanya ng Team Philippines sa Singapore Games dahil maisasakatuparan ang target na walong gintong medalya.