MANILA, Philippines – Mahalaga para kay Manny Pacquiao ang ipakikita sa first round sa hangad na panalo laban sa pound-for-pound king na si Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 2.
Ayon sa trainer na si Freddie Roach, dapat na maitatak agad ni Pacman ang kanyang lakas at istilo para madiskaril ang kumpiyansa ni Mayweather upang sa mga susunod na rounds ay lumabas na ang mga maling diskarte nito.
“We have to win the first round and take Floyd out of his comfort zone,” ani Roach. “Our game plan is to win every round. If we get the knockout, then that’s just a bonus.”
Bumalik na sa kani-kanilang kampo ang dalawang boksingero na hinahangaan sa kapanahunang ito matapos magkaharap sa natatanging press conference sa mega-fight noong Huwebes.
Para mapaghandaan nang husto ang tagisan ay isinara na ni Roach ang kanyang Wild Card gym kapag nagsasanay si Pacquiao.
“The strategy of this fight is very important and different from past fights. We can’t have spies in the gym. We are just working on the game plan and focusing on what Floyd is doing,” paliwanag ni Roach.
Lubusan naman ang pagtitiwala ni Pacquiao sa planong ilalatag ni Roach kaya’t hindi siya nakakaramdam ng anumang pagkabahala kahit ang kalaban niya ay isang boksingerong hindi pa natatalo matapos ang 47 laban.
“I was more worried about my fights against (Oscar) De La Hoya, (Antonio) Margarito and (Miguel) Cotto, than I am with fight Floyd Mayweather,” wika ni Pacman. “I don’t want to judge, but I am very confident about this fight.”
Halos isa’t-kalahating buwan na lamang at magaganap ang pinakahihintay na tagisan at malalaman dito kung tama ba ang kumpiyansang nararamdaman ng Team Pacquiao.