SAN ANTONIO--Sinong may sabing si LeBron James lamang ang nagdadala sa kampanya ng Cleveland Cavaliers.
Umiskor si guard Kyrie Irving ng career-high na 57 points para tulungan ang Cavaliers sa 128-125 overtime win laban sa San Antonio Spurs.
Kumonekta si Irving ng 3-pointer sa harap ng mahigpit na depensa ni Danny Green para ilapit ang Cleveland sa 107-110 sa huling 31 segundo sa regulation period.
Matapos ang mintis na dalawang free throws ni Kawhi Leonard para sa Spurs sa nalalabing 4.3 segundo, muling nagsalpak si Irving ng tres laban kay Leonard para itabla ang Cavaliers sa 110-110.
Tumipa si Irving ng 7-of-7 shooting sa 3-point line at may 20-of-32 fieldgoal shooting sa kabuuan at may perpektong 10-of-10 free throws.
Tumapos si James na may 31 points sa kanyang unang laro sa AT&T Center matapos talunin ng San Antonio sa Game Five ng nakaraang NBA Finals sa kanyang huling paglalaro para sa Miami Heat.
Pinamunuan naman ni guard Tony Parker ang Spurs sa kanyang 31 points kasunod ang 24 ni Leonard.
Sa Los Angeles, kumamada si Tim Hardaway Jr. ng 22 points, habang may 16 si Andrea Bargnani para igiya ang New York Knicks sa 101-94 panalo laban sa Lakers.
Tinapos ng Knicks ang kanilang five-game losing skid para sa kanilang pang-limang road victory sa season.
Humakot si Jordan Hill ng 19 points at 10 rebounds sa panig ng Lakers, naipatalo ang anim sa kanilang huling pitong laro.
Sa Washington, naglista si point guard John Wall na may 21 points, 7 rebounds at 6 assists para banderahan ang Wizards sa 107-87 paglampaso sa Memphis Grizzlies.
Hindi pinaglaro ng Grizzlies ang kanilang mga starters na sina Marc Gasol, Zach Randolph at Mike Conley at key reserve Tony Allen.
Sa iba pang resulta, tinalo ng Indiana ang Milwaukee, 109-103; at ginitla ng Utah ang Houston, 109-91.