Pinoy gymnasts humakot ng 14 golds
MANILA, Philippines – Inangkin nina Singapore Southeast Asian Games candidate Reyland Capillan at Youth Olympian Carlos Yulo ang dalawang gold medals sa kanilang mga kategorya bilang bahagi ng 14-medal haul ng Pilipinas sa nakaraang Hong Kong Gymnastics International Invitational Championships sa Shan Sports Center sa Shatin, Hong Kong.
Ginulat ni Capillan, isang out of school youth mula sa Rizal Province, sina Incheon Asiad gold medalist Wai Hung Shek ng host Hong Kong sa seniors individual vault event.
Nagtabla ang 21-anyos na si Capillan at si Shek sa kanilang final score na 14.199 points, ngunit nanalo ang Filipino gymnast via count back kung saan nabawasan ng puntos ang Hong Kong superstar.
Kumpara sa vault event, nangibabaw si Capillan sa floor exercise sa kanyang 15.33 points kasunod sina Malaysian Phanying Lo at Muhammad Abdul Azim na may 12.850 at 12.700 points, ayon sa pagkakasunod.
Bumandera naman si Yulo sa pummel horse at high bar.
Nagtala ang 15-anyos na si Yulo ng 11.66 points sa pummel horse para sa gold medal at talunin sina Singaporean Yong Sean Yeo (11.533) at teammate Jan Timbalang (11.500).
Ang count back naman ang nag-angat kay Yulo kay Thai Thikumporn Surithorntka sa high bar event mula sa magkatulad nilang 12.633 points.
- Latest