MANILA, Philippines – Itinutulak ng Philippine Badminton Association (PBA) na maisama sa Pambansang koponan na maglalaro sa SEA Games sa Singapore ang dalawang pares sa men’s doubles.
Sina Paul Jefferson Vivas, Peter Gabriel Magnaye, Philip Joper Escueta at Ronel Estanislao ang mga manlalarong gustong dalhin sa SEA Games para makakuha pa ng karanasan at mas gumaling bilang paghahanda sa malalaking kompetisyon sa hinaharap.
Sina Vivas at Magnaye ay gumawa ng marka noong nakaraang taon nang nakuha nila ang titulo sa Swiss Open.
Ipinaliwanag ni foreign coach Paulus Firman na mahihirapan ang Pilipinas na manalo ng medalya dahil nasa rehiyon ang mga world champions sa badminton.
Pero dapat na may isama sa delegasyon para magpatuloy ang magandang resulta na unti-unting nakukuha ng koponan.
Ipinasa na ng Philippine Badminton Association (PBA) ang pangalan ng apat na manlalarong ito sa management committee na ginagawa na ang listahan mula sa iba’t ibang NSAs at ipapasa sa POC Executive Board na magpupulong sa Lunes. (AT)