MANILA, Philippines – Magkaroon man ng mga bagong manlalaro ay tiwala pa rin ang pamunuan ng Hapee Fresh Fighters na palaban sila sa kampeonato sa PBA D-League Foundation Cup na magbubukas sa Huwebes (Marso 12).
Hindi na makakasama ng koponan ang mga batikang players ng NCAA champion San Beda sa pangunguna nina Ola Adeogun, Baser Amer at Arthur dela Cruz Jr. dahil magsisimula na ng paghahanda ang koponan para sa 91st NCAA season.
Pahinga rin ang kanilang mga shooters na sina Garvo Lanete at Bobby Ray Parks Jr. dala ng mga injuries na nakuha sa Aspirants Cup na dinomina ng Hapee sa pamamagitan ng 2-0 sweep sa Cagayan Rising Suns.
Nagdesisyon si Lanete na ipaopera na ang kanyang MCL injury at halos anim na linggo siyang magpapahinga habang si Parks ay nagpapagaling pa sa tinamong shoulder injury sa Game Two ng finals.
“Mahirap pero kakayanin. Dadaan lang sa butas ng karayom. ‘Yan naman ang Hapee basketball, kahit anong pagsubok kayang lagpasan,” ani team manager Bernard Yang.
Nakuha na ng koponan ang serbisyo nina Mark Romero, Arvie Bringas at 3-point shooter Mar Villahermosa para isama sa mga datihan tulad nina Troy Rosario, Chris Newsome at Earl Scottie Thompson.
May sapat na panahon pa ang tropa ni coach Ronnie Magsanoc na makapaghanda dahil sa Marso 23 pa sila magbubukas ng kampanya para sa pangalawang sunod na kampeonato sa liga na sasalihan ng 10 koponan. (AT)