ATLANTA – Umiskor si Al Horford ng 19 points at nagsalpak si Kyle Korver ng dalawang mahalagang 3-pointers sa fourth quarter para igiya ang Hawks sa 106-97 panalo laban sa Cleveland Cavaliers.
Si LeBron James at ang Cavaliers ang paboritong magdomina sa Eastern Conference, ngunit ang Hawks (49-12) ang kasalukuyang nangunguna sa standings.
Ito ang pang-anim na sunod na panalo ng Atlanta at nakamit nila ang kanilang ika-42 tagumpay sa huling 48 laro.
Naging inspirasyon ang pagkilala kay Hall of Famer at dating Hawks star Dominique Wilkins, ipinakita ng Atlanta ang kanilang balanseng atake para talunin ang Cleveland.
Sa Houston, nagtala si James Harden ng 38 points, 12 rebounds at 12 assists para sa kanyang ikatlong triple-double sa season at inihatid ang Rockets sa 103-93 panalo laban sa Detroit Pistons.
Tinapos ng Houston ang kanilang two-game losing skid.
Sa Indianapolis, naglista si Solomon Hill ng 16 points at nagdagdag si Ian Mahinmi ng season-high 14 points sa 98-84 paggupo ng Pacers sa Chicago Bulls.
Sa Memphis, humakot si Zach Randolph ng 24 points at 13 rebounds, habang kumolekta si Marc Gasol ng siyam sa kanyang 18 points sa fourth quarter para tulungan ang Grizzlies sa 97-90 panalo laban sa Los Angeles Lakers.
Sa San Antonio, humataw si Kawhi Leonard ng 25 points at may 24 si Tony Parker para ibigay sa Spurs ang 120-111 panalo laban sa Denver Nuggets.