La Salle vs Ateneo sa finals Eagles men’s champion
Laro sa Miyerkules (Smart Araneta Coliseum)
3:30 p.m. La Salle vs Ateneo
MANILA, Philippines – Sa ikapitong sunod na pagkakataon ay umabot sa UAAP women’s volleyball finals ang La Salle Lady Spikers nang daigin ang National University Lady Bulldogs, 26-24, 21-25, 25-18, 25-21, sa knockout game kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Ara Galang ay gumawa ng 25 puntos mula sa 21 kills at apat na blocks. Ang kanyang huling hit ay mula sa malakas na pag-atake para sa 23-20 kalamangan sa fourth set.
Ngunit masama ang bagsak niya at napilipit ang kanyang kaliwang tuhod at siya ay inilabas ng court sakay ng stretcher.
Makakalaban ng Lady Spikers sa best-of-three finals ang nagdedepensang Ateneo Lady Eagles, nasa championship round na at bitbit pa ang thrice-to-beat advantage bunga ng 14-0 sweep.
Sa Miyerkules na bubuksan ang championship at malaking dagok ang nangyari kay Galang sa hangaring bawian ang karibal matapos talunin sila noong nakaraang taon kahit may thrice-to-beat advantage.
Humugot pa ang Lady Spikers ng tig-15 hits kina Cyd Demecillo at baguhang si Mary Joy Baron at ang huli ay mayroong limang blocks para tulungan ang koponan sa 16-3 dominasyon sa blocks laban sa matatangkad na Lady Bulldogs.
Sina Myla Pablo, Jaja Santiago at Jorelle Singh ay gumawa ng 19, 15 at 12 hits pero ang mga panuportang sina Rizza Jane Mandapat at Desiree Dadang ay nagsanib lamang sa siyam na hits para matapos ang makulay na kampanya ng NU.
Bago ito ay kinumpleto ng Ateneo Eagles ang makasaysayang kampanya sa men’s volleyball nang iuwi ang kanilang unang kampeonato sa 25-23, 25-23, 25-15, panalo laban sa two-time defending champion National University Bulldogs.
- Latest