Ateneo de Cebu may tiket na sa semis
MANILA, Philippines - Umabante ang Sacred Heart School-Ateneo de Cebu sa six-team semifinals matapos magtala ng dalawang sunod na panalo sa 8th Seaoil-NBTC National High School Championship kahapon sa Ynares Sports Center.
Tinalo ng Cebu ang Naga City Montessori, 100-61, sa umaga sa Meralco gym bago nagtungo sa YSA kinahapunan para gibain ang Assumption College of Davao, 83-64, matapos ang opening ceremony.
Pinamunuan ni Joshua Sinclair ang Ateneo de Cebu sa kanyang 30 points, 18 rebounds, 3 assists, 1 steal at 1 block, habang kumolekta si Felix Jaboneta, ang CESAFI MVP, ng 12 points, 9 rebounds at 3 assists.
Inilampaso naman ng nagdedepensang Chiang Kai Shek College ang University of Cordilleras-Baguio, 115-54, habang pinabagsak ng six-time NCAA champion San Beda College ang Maryhill College ng Lucena, 67-55, sa Philsports Arena.
Ang mga koponan ay hinati sa anim na grupo at maglalaro sa single round robin kung saan ang top six sa torneong suportado ng MVP Sports Foundation ang aabante sa susunod na round.
Ang mga qualifiers mula sa Groups A, D at E ay lalaban sa mga koponan sa Groups B, C at F para sa isang single round play at ang top teams ang maglalaban para sa championship.
- Latest