MANILA, Philippines - Nagkaroon ng pangil ang Pambansang koponan na binubuo ng Larong Volleyball sa Pilipinas (LVP) para sa 1st Asian Women’s U-23 Volleyball Championship sa Mayo nang nakuha nito ang serbisyo ng mga mahuhusay na manlalaro bukod pa ang suporta ng isa sa tinitingalang sports patron sa bansa.
Ang mga pambato ng Ateneo Lady Eagles na sina Alyssa Valdez, Julia Morado at Bea De Leon ay kumpirmadong lalaro sa koponan habang si Manny V. Pangilinan ay nangako na tutulong gamit ang TV5.
Maging ang Thai coach ng Ateneo na si Tai Bundit ay tutulong din sa coaching staff na bubuuin nina coaches Roger Gorayeb at Sammy Acaylar.
Pinasalamatan agad ni LVP president Joey Romasanta ang pagpasok na ito ni Pangilinan na tinawag niya bilang isang “white knight”.
“We are starting from zero. But there is a white knight in the person of Manny V. Pangilinan who has said that he will help the team through TV5,” wika ni Romasanta sa pulong pambalitaan na ginawa matapos ang draw of lots kahapon sa Crowne Plaza Hotel sa Ortigas.
Tiniyak pa ni Romasanta na marami pang may pangalan na manlalaro mula sa UAAP at NCAA ang nasa line-up pero iaanunsyo ito matapos ang UAAP season para hindi masira ang diskarte ng liga.
Si Asian Volleyball Confederation (AVC) secretary-general Shanrit Wongprasert ng Thailand ang nanguna sa draw ceremony kasama si AVC Development & Marketing Committee chairman at Philippine SuperLiga (PSL) president Ramon ‘Tats’ Suzara para sa 12 bansa na magtatagisan sa laro mula Mayo 1 hanggang 9.
Nasama ang Pilipinas sa Group A kabilang ang malalakas na koponan ng Iran at Kazakhstan. Ang iba pang bansa at kanilang grupo ay China, India at Macau sa Group B, Japan, Taipei at Maldives sa Group C at Korea, Thailand at Uzbekistan sa Group D.
Sasalang din agad ang Pambansang koponan sa unang dalawang araw ng classification round (Mayo 1 at 2) laban sa Iran at Kazakhstan.
Para mapaghandaan nang husto ang kompetisyon, balak ipadala ang koponan sa Thailand o Japan para magsanay.