Blazers dinurog ang Mavericks

PORTLAND, Oregon--Kumolekta si LaMarcus Aldridge ng 17 points at 12 rebounds at kumamada ang Trail  Blazers sa second half para kunin ang  94-75 pa­nalo laban sa Dallas Mavericks.

Ito ang pang-limang sunod na panalo ng Portland.

Lumamang ang Portland sa 80-63 mula sa dunk ni Alonzo Gee sa fourth quarter at hindi na nakalapit ang Dallas.

Nagkaroon naman si starting guard Wesley Matthews ng left foot injury sa third quarter at hindi na ibinalik sa laro.

Nag-ambag si Nicolas Batum ng 15 points at season-high 12 rebounds para sa Portland, may apat na players na nasa double figures.

Nagtala naman sina Monta Ellis at Amare Stoudemire ng tig-12 points sa panig ng Mavericks.

Nagbalik si veteran center Tyson Chandler makaraan ang three-game absence at tumapos na may 4 points at 14 rebounds.

Sa Chicago, nagsalpak si E’Twaun Moore ng go-ahead three-pointer sa huling 2.1 segundo para ilusot ang Bulls laban sa Oklahoma City Thunder, 108-105.

Ang panalo ng Bulls ang tumapos sa apat na sunod na triple-double ni Russell Westbrook ng Thunder.

Matapos ang tres ni Moore na nag-angat sa Bulls sa 107-105, natawagan naman si Westbrook ng turnover nang matanggap ang inbounds pass at hindi nakita ang libreng si Serge Ibaka.

Nagtala si Westbrook ng 43 points mula sa 14-of-32 shooting at nagdagdag ng 7 assists at 8 rebounds.

Show comments