16-man Gilas Cadet pool inihayag na ni Baldwin

MANILA, Philippines - Ito na ang sinasabing pinaka star-studded na national team na isasabak ng Pilipinas sa Southeast Asian Basketball (SEABA) Championship at sa Southeast Asian Games.

Kahapon ay kinilala ni national coach Tab Baldwin ang 16 players sa Gilas Cadet pool mula sa orihinal na 25 na inimbitahan sa ilang serye ng tryouts.

Kasama sa grupo sina UAAP Most Valua­ble Players Kiefer Ra­vena ng Ateneo at Bobby Ray Parks, Jr. ng National Uni­ver­­sity  bukod  pa kina Je­ron Teng ng La Salle, Mac Belo ng Far Eastern University, Baser Amer ng San Beda at Kevin Ferrer ng University of Sto. Tomas.

Ang iba pang nasa Cadet national pool ay sina Jiovanni Jalalon ng Arellano, Glenn Khobutin ng NU, Thirdy Ravena ng Ateneo, Prince Rivero ng La Salle, Troy Rosario ng Hapee, Scottie Thompson ng Hapee, Norbert Torres ng Cebuana Lhuillier, Arnold Van Opstal ng La Salle at Almond Vosotros ng Cebuana Lhuillier.

Ang SEABA ay nakatakda sa Abril 27 hanggang Mayo 1, habang ang SEA Games ay sa Hunyo 9-15 na parehong idaraos sa Singapore.

Ang SEABA Championship ang qualifying tournament sa FIBA Asia Championship sa Hunan, China na siya namang regional qualifier ng Brazil Olympiad sa susunod na taon.

Maaaring isama sa Cadet pool si Garvo Lanete kung makakabangon siya sa kanyang injury.

Sisimulan ni Baldwin ang ensayo ng Cadet pool sa Lunes mula alas-8 hanggang alas-10 ng gabi sa Meralco gym.

Humihiling ng suporta ang Samahang Basketbol ng Pilipinas ni Manny V. Pangilinan sa hanay ng mga coaches, schools, clubs at leagues para sa Gilas Cadet program.

Show comments