MANILA, Philippines - Nang magtabla ang kanilang iskor ni Japeth Aguilar ng Ginebra sa 97-97 sa final round, wala nang ibang naisip na gawin si Rey Guevarra ng Meralco kundi ang gayahin ang slam dunk ni NBA superstar Kobe Bryant.
Isinalpak ni Guevarra ang ‘between-the-legs-twist’ slam para magtala ng perpektong 50 points sa slam off nila ni Aguilar sa 2015 PBA All-Star Weekend kagabi sa Puerto Princesa City Coliseum sa Palawan.
Napasakamay ng dating Letran slam dunk king ang premyong P60,000.
“Iyon talaga ang favorite dunk ko na ginawa ni Kobe Bryant,” sabi ni Guevarra, nakasama sina Kelly Williams, Vergel Meneses at Don Camaso bilang mga two-time champions sa ilalim ng five-time titlist na si Niño ‘KG’ Canaleta.
Sinikwat naman ni Terrence Romeo ng Globalport ang titulo ng Three-Point Shoot matapos tumipa ng 18 points sa final round para ungusan ang 14 points ni James Yap ng Purefoods at ang 11 points ni JC Intal ng Barako Bull.
Inangkin ni Romeo ang premyong P60,000.
Nabigo si Mark Macapagal ng Meralco na makamit ang kanyang record na pang-limang titulo nang hindi makaabante sa final round mula sa kanyang 11 markers.
Kinilala si Jeric Fortun ng San Miguel bilang bagong hari ng Obstacle Challenge nang maglista ng bilis na 32.1 segundo sa final round at talunin sina four-time champion Jonas Villanueva (37.7) at Chris Banchero (44.9) para ibulsa ang P60,000.