La Salle o NU? Haharap sa Ateneo sa finals

Laro Ngayon

(Mall of Asia Arena)

2 p.m.  NU vs ADMU

(Men’s finals)

4 p.m.  DLSU vs NU (women step-ladder)

 

MANILA, Philippines - Patutunayan pa ng National University Lady Bulldogs ang kakayahan na makapagdomina sa 77th UAAP women’s volleyball sa pagharap sa huling pagkakataon sa La Salle Lady Archers sa pagsasara ng step-ladder semifinals nga­yon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Dakong alas-4 ng hapon magsisimula ang tagisan at sasakyan ng NU ang  25-20, 25-20, 25-19, straight sets panalo sa Lady Spikers noong Miyerkules para mauwi sa isa’t isa ang tagisan.

Sina Jaja Santiago, Myla Pablo, Rizza Jane Mandapat at Jorelle Singh ang mga nagtulong sa panalo pero naging puwersa rin ng Lady Bulldogs ang galing sa depensa ni Desiree Dadang na may limang blocks para patahimikin ang opensa ng La Salle.

“Nakita na nila ang ad­just­ments namin pero alam kong mataas ang con­fidence ngayon ng mga players,” ani NU coach Ro­ger Gorayeb.

Si Ara Galang ang ga­gawa uli para sa Lady Spikers ngunit dapat na makakuha siya ng mas magandang suporta sa mga kasamahan para maabot ang ikapitong sunod na pagtungtong sa championship round.

Ang nagdedepensang kampeon Ateneo Lady Eagles ay nasa finals na at may bitbit na thrice-to-beat advantage matapos walisin ang 14-game elimination.

Tatangkain naman ng Ateneo Eagles ang makatikim ng titulo sa men’s volleyball sa kauna-unahang pagkakataon sa pagbangga uli sa two-time defending champion National University Bulldogs.

Inilapit ng Ateneo ang sarili sa makasaysayang pagtatapos matapos angkinin ang 25-19, 30-28, 20-25, 25-22, panalo sa Bulldogs sa Game One sa best-of-three finals.

Pihadong naghanda ang NU para pigilan ang malaking selebrasyon sa Katipunan at maitakda ang sudden-death.

Show comments