La Salle malakas pa ang laban para sa UAAP overall crown
MANILA, Philippines – Mahalaga ang magiging resulta sa huling apat na team sports na pinaglalabanan kung ang overall championship sa 77th UAAP seniors division ang pag-uusapan.
Matapos ang 11 sports sa 15 na pinaglalabanan, ang UST ang siyang nangunguna sa hanay ng walong koponang nagtatagisan bitbit ang 241 puntos. Ang men’s team ay naghatid ng 116 puntos, may 115 sa kababaihan at 10 sa coed sports.
Ang two-time defending champion La Salle ay nasa ikalawang puwesto sa 226 (103-111-12) habang ang UP ang nasa ikatlong puwesto na may 186 puntos (76-95-15).
Ngunit may laban pa ang La Salle para mapanatili ang overall crown dahil ang men’s volleyball at baseball ay nasa finals, ang women’s volleyball ay patok na umabot sa championship round habang ang softball team ay nasa ikalawang puwesto sa huling bahagi ng elimination round.
Sa kabilang banda, ang UST ay nalagay sa ikalima at ikatlo sa women’s at men’s volleyball at nasa ikalima at pang-anim sa football.
Binibigyan ng puntos ang puwestong tinapos ng bawat koponan sa isang sport at ang unang tatlong puwesto ay tatanggap ng 15, 12 at 10 puntos.
- Latest