Itotodo na ni Manny para talunin si Floyd
MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manny Pacquiao na gagawin niya ang lahat ng makakaya para bigyan ng kasiyahan ang mga taong nananalig sa kanyang kakayahan sa kanilang pagtutuos ni Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 2.
Ang pahayag ay para pawiin ang mga agam-agam na nagugulo ang isipan ni Pacman lalo pa’t lumalabas uli ang mga ulat patungkol sa pagbabayad ng buwis.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nangyayari ang bagay na ito pero natataon ito kapag may pinaghahandaang malaking laban ang 8-division world champion na si Pacquiao.
Nagsimula na sa pagsasanay si Pacman kahit hindi kasama si Freddie Roach na nasa Macau at tinutulungan si Zou Shiming sa tangkang maiuwi ang IBF flyweight title.
Mahalaga ang focus ng isipan ni Pacquiao para matalo si Mayweather dahil kailangang makita agad ng Kongresista ng Sarangani Province ang mga pagkakataon na maibibigay ng pound-for-pound king sa kanilang laban.
Ayon sa beteranong trainer na si James Gogue sa Fightsaga.com, may tsansang manalo si Pacquiao dahil puwede niyang saktan si Mayweather sa kanyang malalakas na suntok.
“Manny has a puncher’s chance against Floyd Mayweather. And if Pacman lands a punch that hurts Floyd, he’d better put him away because he’s not going to see that opportunity again for the remainder of the fight,” wika nito.
May dalawang sparmates na matatangkad at kayang gayahin ang istilo ni Mayweather ang darating sa Wild Card gym para tumulong sa planong pagpapatikim ng unang pagkatalo matapos ang 48 laban kay Mayweather. (AT)
- Latest