MANILA, Philippines – Dahil sa malinis na kartada ni Floyd Mayweather Jr. ay siya ang pinili ni boxing legend Sugar Ray Leonard na mananalo sa bakbakan nila ni Manny Pacquiao sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas.
"I give the edge to Mayweather because he hasn't tasted a defeat in his career," wika ni Leonard sa Evening Express ng United Kingdom.
Hawak ng kasalukuyang pound-for-pound king na si Mayweather ang 47-0 win-loss record na may 26 knockouts, habang may limang talo na si Pacquiao sa 57 (38 KOs)-5-2 win-loss-draw slate.
Dating five-division champion si Leonard at noong panahon niya ay inabangan ang kanilang sagupaan ni Roberto Duran.
Naniniwala si Leonard na matatapatan ng bakbakang Pacquiao-Mayweather ang laban nila ni Duran na pinamagatang “No Mas” noong 1980's.
"The Mayweather-Pacquiao has already come close in size to the one between myself and Roberto Duran due to the global anticipation," paliwanag pa niya.
Dalawa sa tatlong laban nila ni Duran ang naipanalo ng boxing legend.
Sinasabing isa sa pinamalaking bakbakan sa kasaysayan ng boksing ang paghaharap nina Pacquiao at Mayweather na inabot ng limang taon bago maikasa.