MANILA, Philippines – Nakamit ni Mark Harry Diones ang kanyang ikaapat na gold medal matapos manguna sa 4x400-meter relay team kasabay ng pag-angkin ng Jose Rizal University sa kanilang pang-limang sunod na overall title sa 90th NCAA track and field competition sa Philsports Arena sa Pasig City.
Binanderahan ni Diones ang koponang kinabibilangan nina Aldrin Rey, Ramil Toledo at Paernel Lobos para sa kanyang pang-apat na gintong medalya.
Nauna na niyang pinitas ang mga ginto sa long jump, 400 meters at triple jump sa unang dalawang araw ng three-day meet.
Pinasalamatan ng 22-anyos na si Diones ang kanyang mga magulang na sina Maximo, Sr. at Luzviminda, Jose Rizal athletic director at NCAA Management Committee chair Paul Supan at sina coaches Jojo at Elma Muros-Posadas.
“Kung wala sila hindi ako mananalo ng apat na golds,” sabi ni Diones, isang graduating Criminology student.
Nakamit naman ng Jose Rizal ang kanilang pang-limang sunod na athletics title mula sa nakolektang 892.50 points kasunod ang Perpetual Altas (482.85) at Arellano University (401.33).
“Mission accomplished,” sambit ni Supan.
Sa juniors’ division, inangkin ng Emilio Aguinaldo College ang kanilang pangatlong dikit na overall crown matapos humakot ng league best na 1,020.25 points.