INDIANAPOLIS, Philippines – Sa hindi paglalaro nina LeBron James at Kyrie Irving, tumipa si Rodney Stuckey ng 19 points at nagposte naman si George Hill ng una niyang career triple-double para tulungan ang Pacers sa 93-86 panalo kontra sa Cleveland Cavaliers.
Tumapos si Hill na may 15 points, 10 rebounds at 12 assists para sa pang-pitong panalo ng Indiana sa huli nilang siyam na laro.
Ang dalawa rito ay laban sa Cavaliers sa nakaraang tatlong linggo.
Hindi naglaro si James dahil sa sumasakit nitong likuran, habang si Irving ay may left shoulder injury.
Kaya umasa ang Cavs kina J.R. Smith, tumipa ng 21 points, at Kevin Love, humakot ng 17 points at 10 rebounds.
Kinuha ng Cavs ang 21-8 abante sa first quarter, ngunit dahil sa hindi paglalaro ng dalawa nilang All-Stars ay hindi nila ito napanatili.
Nanguna ang Indiana sa halftime, 51-45, at lumayo sa 74-59 sa third quarter bago pigilin ang dalawang beses na pagtatangka ng Cleveland na makalapit sa fourth quarter.
Sa Portland, humakot si LaMarcus Aldridge ng 29 points at 16 rebounds at bumangon ang Trail Blazers sa pagkakabaon para talunin ang Oklahoma City Thunder, 115-112.
Ito ay sa kabila ng pagpoposte ni Russell Westbrook ng kanyang ikatlong sunod na triple-double para sa Thunder.
Nagtala si Westbrook, napahiga sa sahig matapos tamaan sa mukha ng tuhod ng kakamping si Andre Roberson sa huling mga segundo, ng 40 points, 13 rebounds at 11 assists. Siya ang unang player na naglista ng tatlong magkasunod na triple-doubles matapos si James noong 2009
Sa iba pang laro, tinalo ng Houston ang Brooklyn, 102-98; pinatumba ng Philadelphia ang Washington, 89-81; binigo ng Atlanta ang Orlando, 95-88; dinaig ng Boston ang Charlotte, 106-98; at pinayuko ng New York ang Detroit, 121-115.