Roach sasamahan si Shiming sa Macau sina Somodio at Fortune muna ang bahala kay Pacman

 Inimbitahan ni Vice President Jejomar Binay si Congressman Manny Pacquiao sa isang private lunch kamakalawa sa Coconut Palace. @Aquiles Z. Zonio/PhilBoxing.com  

MANILA, Philippines - Bagama’t nahaharap sa pinakamatinding hamon sa kanyang career ay naipakita uli ni Manny Pacquiao ang pagkakaroon ng malasakit sa kasama niyang boksingero na mahaharap sa isa ring mabigat na laban.

Hindi nagdalawang-isip ang Pambansang Kamao na pahintulutan ang batikang trainer na si Freddie Roach na iwan siya sa unang linggo ng paghahanda sa Wild Card Gym sa US para makasama nito ang Chinese boxer na si Zho Shiming.

Ang Olympian at kasama ni Pacman sa bakuran ni Roach ay magtatangka na makatikim ng kanyang kauna-unahang world title sa flyweight kontra kay Amnat Ruenroeng ng Thailand sa Marso 7 sa Cotai Arena sa Macau, China.

Pinuri ni Roach ang makataong pag-uugali ni Pac­quiao na kailangan ding ilagay ang sarili sa pinakama­gandang kondisyon dahil kapalitan niya ng malalakas na suntok ang pound-for-pound king na si Floyd  Maywea­ther Jr. sa Mayo 2.

“The thing is, Manny is that type of guy. He cares about other people. He knows Shiming has a better chance to win if I’m there with him,” wika ni Roach sa panayam ng ESPN.

Nakatakdang umalis ngayong araw si Pacquiao patungong US para simulan ang paghahanda sa kinasasabikang mega-fight na ito sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Habang wala si Roach, ang Filipino trainer na si Marvin Somodio at si strength and conditioning coach Justin Fortune ang mangangasiwa sa unang linggo ng pagsasanay.

Hindi rin magiging mahirap na ilagay sa magandang kondisyon si Pacquiao bilang paghahanda sa matinding pagsasanay dahil nagsimula na siya ng pagpapakondis­yon sa paglalaro ng basketball gamit ang Kia sa PBA at ang pagsabak sa mitts kasama ang kaibigan at trainer ding si Buboy Fernandez.

May dalawang sparring partners ang tinapik na ni Roach at sila ay sina Kenneth Sims Jr. at Rashidi Ellis.

Parehong 21-anyos ang dalawang boxers wala pang talo at sina Sims at Ellis ay matatangkad din na may height na  5’10 at 5’9.

Kailangang matatangkad ang sparmates ni Pacquiao dahil mas mataas at mas mahaba sa kanya si May­weather.

Isang perfect plan ang dapat na gawin ni Roach at kung mangyari ito ay sinabi niyang sa pamamagitan ng knockout ang maiuukit ni Pacquiao sa laban.

Samantala, mangangailangang  gumastos ng mala-king halaga ang mga malalapit na kaibigan ni Manny na nais mapanood ng live ang kinasasabikang laban.

Ito ay dahil walang makuhang complimentary tickets si Pacquiao para ipamigay sa mga kapanalig tulad sa kanyang nakagawian sa mga nagdaang laban.

Ang Mayweather Promotions ang siyang may hawak sa mga tiket sa laban kaya’t hindi pa malaman kung meron bang makukuhang parte si Pacquiao.

Show comments