Laro Ngayon
(San Juan Arena)
5 p.m. Kia vs Blackwater
MANILA, Philippines - Bagama’t ilang ulit na nagposte ang Rain or Shine ng 20-point lead ay hindi pa rin sumuko ang Barako Bull.
Subalit sa huli, ang hangarin ng Elasto Painters na mailista ang kanilang pangatlong sunod na panalo ang hindi napigilan ng Energy.
Giniba ng Rain or Shine ang Barako Bull, 103-91, tampok ang 32 points, kasama rito ang 7-of-13 shooting sa three-point range, at 7 rebounds ni balik-import Wayne Chism sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ang panalo ang nagtabla sa Elasto Painters sa Talk ‘N Text Tropang Texters sa ikalawang posisyon sa magkatulad nilang 5-2 record.
“It’s a two week break for us,” sabi ni coach Yeng Guiao sa darating na 2015 PBA All-Star Weekend sa Palawan. “It’s important for us to get a win before the break. We wanted this win badly to take this break and relax a bit.”
Mula sa maliit na 30-27 abante sa opening period ay naglunsad ang Rain or Shine ng 21-4 atake para ibaon ang Barako Bull, 51-31, sa 3:07 minuto ng second quarter.
Sa likod ni Carlo Lastimosa, nakadikit ang Energy sa 69-77 sa 10:19 minuto ng final canto bago nagtuwang sina Paul Lee at Jeff Chan para muling ilayo ang Elasto Painters sa 93-76 sa 4:46 minuto nito.
Huling nakalapit ang Barako Bull sa 87-97 matapos ang basket ni Chico Lanete sa 2:15 minuto kasunod ang tres ni Chism para sa 99-87 bentahe ng Rain or Shine sa huling 2:09 minuto.
Kumolekta si seven-foot import Solomon Alabi ng 23 points at 13 rebounds sa panig ng Energy.
Rain or Shine 103 - Chism 32, Lee 16, Quiñahan 12, Chan 11, Norwood 7, Cruz 7, Tang 6, Almazan 4, Uyloan 3, Belga 3, Araña 2, Ibañes 0, Teng 0.
Barako Bull 91 - Alabi 23, Intal 19, Lanete 14, Marcelo 11, Mercado 9, Lastimosa 6, Garcia 4, Matias 3, Pascual 2, Chua 0, Hubalde 0, Salva 0, Paredes 0, Sorongon 0.
Quarterscores: 30-27; 53-40; 77-62; 103-91.