Kung mayroon mang excited sa laban nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr., ito ay si Mommy Dionisia, ang butihin at makulay na ina ni Pacman.
Ngayon pa lamang ay inaasahan na natin na panay ang panalangin at novena ni Mommy D upang kasihan ng Maykapal si Pacman.
Bagama’t nagkaroon noon ng tampuhan ang mag-ina, nakita natin na todo pa rin ang suporta ni Mommy D sa kanyang anak.
Hindi ba’t isa rin sa dahilan ng pagtanggi ni Floyd na labanan si Pacquiao noon ay si Mommy D.
Ang sabi ni Mayweather ay “mangkukulam” raw itong si Mommy D at ayaw niya na masaktan lamang. Kaya nga ang gusto ni Mayweather ay huwag manood si Mommy D sa laban nila ni Pacquiao.
Matupad naman kaya ang kahilingang ito ni Mayweather?
Tingnan na lang natin sa Mayo 2.
***
Todo kayod agad ang Filipino boxing superstar na si Pacquiao sa laban nila ni Mayweather. At siyempre pa, alam natin na hindi umurong kailanman si Manny sa laban kaya’t wala rin siyang hangad na matalo rito.
Bagama’t mahaba ang reach advantage at mas matangkad si Mayweather, inaasahan na pagaganahin ni Pacquiao ang kanyang bilis sa laban.
Ngayon pa lamang ay hinihiling na ni Pacquiao ang suporta at panalangin ng Sambayanang Pilipino.
Sabi nga niya, hindi niya lalabanan si Mayweather para sa kanyang sarili o sa kanyang pamilya, kundi dahil sa karangalan ng bansa.
Kaya ngayon pa lamang ay ibigay na natin ang todo-suporta kay Pacquiao.