MANILA, Philippines – Isa lamang sa pagitan ng UST Tigresses at FEU Lady Tamaraws ang magpapatuloy ng kampanya sa 77th UAAP women’s volleyball.
Sa ganap na alas-4 ng hapon ay paglalabanan ng Tigresses at Lady Tamaraws ang ikaapat at huling upuan sa step-ladder semifinals sa gagawing 77th UAAP women’s volleyball playoff sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagkaroon ng sudden-death dahil tinapos ng dalawang koponan ang double-round elimination sa 6-8 karta.
Parehong masidhi ang paghahangad na maipanalo ang knockout game na ito dahil hindi nakaabante ang UST at FEU sa post season sa huling dalawang taon.
Winalis ng UST ang dalawang pagkikita nila ng FEU.
Ang mananalo ang siyang makakaharap ng National University Lady Bulldogs na pumangatlo sa pagtatapos ng double-round elimination.
Magtatangka muna ang Ateneo Eagles at UST Tigers na maitakda na ang pagkikita sa Finals sa men’s division.
Kalaban ng Tigers ang nagdedepensang kampeon NU Bulldogs sa alas-10 ng umaga habang ang Eagles ay makikipagsukatan sa Adamson Falcons sa alas-2.
Tumapos ang Ateneo at UST sa 11-3 baraha para kunin ang unang dalawang puwesto at magkaroon ng mahalagang twice-to-beat advantage sa Bulldogs at Falcons na nagtala ng 10-4 baraha.