Barnachea nangunguna pa rin, Lim umeskapo sa Stage 4
TARLAC CITY, Philippines – Bahagi ng isang malaking chase group si Rustom Lim ng PSC/PhilCycling Deve-lopmental Team sa huling pitong kilometro.
Ngunit sa huling 500 metro ay nagdesisyon siyang kumawala sa mga siklista ng Navy Standard Insurance.
Naglista ang 21-anyos na si Lim ng tiyempong apat na oras, 41 minuto at 41 segundo para angkinin ang 199-km Stage Four ng Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC kahapon dito sa Tarlac Provincial Capitol.
“Sa last 500 meters medyo tinantiya ko lang si (Mark) Galedo, kaya nu’ng alam kong kaya ko, iniwanan ko na siya,” wika ng tubong Guimba, Nueva Ecija.
Sina Lim, overall leader Santy Barnachea ng Navy Standard Insurance, Galedo ng 7-Eleven Roadbike, John Paul Morales at Llyod Lucien Reynante ng Navy, George Oconer at Mark Julius Bonzo ng PhilCycling ay magkakasama sa chase group na nasa likod ni John Renee Mier ng Cebu-VMobile.
Tinalo ni Lim para sa premyong P30,000 sina Morales (4:43:43), Oconer (4:43:43), Bonzo (4:43:46), Jerry Aquino, Jr. (4:43:46) ng PhilCycling, Tots Oledan (4:43:46) ng Butuan, Galedo (4:43:46), Dominic Perez (4:43:46) ng 7-Eleven, Rommel Hualda (4:43:49) ng Cebu at Randy Olog (4;43:49) ng NCR.
Ipinagpatuloy naman ni Barnachea ang kanyang pagbandera sa overall race matapos maglista ng aggregate time na 14:21:01 para palakasin ang tsansang makamit ang premyong P1 milyon.
Kasunod ng 38-anyos na si Barnachea, ang 2011 Ronda Pilipinas champion, sina Oconer (14:28:38) at Cris Joven (14:29:20).
“Hindi pa natin masasabi na makukuha ko ang overall. Medyo 50-50- pa ang tsansa natin,” ani Barnachea. “Pero pipilitin kong makuha talaga.” (RC)
- Latest