NLEX pinigil ang San Miguel
MANILA, Philippines – Kung hindi nakumpleto ng NLEX ang kanilang pagbangon mula sa 29-point deficit sa second period laban sa Talk ‘N Text, ginawa nila ito laban sa bigating San Miguel.
Nakabalik ang Road Warriors mula sa 21-point disadvantage sa third quarter para resbakan ang Beermen, 100-93, sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Iniwasan ng NLEX na malasap ang kanilang pangalawang sunod na kabiguan para kunin ang ikalawa nilang panalo at buhayin ang tsansa sa quarterfinal round.
Nalasap naman ng San Miguel, nagkampeon sa nakaraang PBA Philippine Cup, ang kanilang ika-limang pagkatalo sa anim na laro.
Ipinoste ng Beermen ang naturang 21-point lead, 64-43, mula sa split ni balik-import Arizona Reid sa 5:15 minuto sa third period bago ang unti-unting paglapit ng Road Warriors sa likod ni NBA veteran Al Thornton.
Ganap na naagaw ng NLEX ang unahan sa 90-88 buhat sa dalawang free throws ni Thornton sa 2:31 minuto ng fourth quarter.
Naimintis naman ni Reid ang kanyang tirada sa posesyon ng San Miguel.
Ang resulta nito ay ang three-point shot ni Jonas Villanueva para ilayo ang Road Warriors sa Beermen, 93-88 sa huling 1:51 minuto.
Tumapos si Thornton na may 30 points at 12 rebounds para banderahan ang panalo ng NLEX.
NLEX 100 – Thornton 30, Taulava 20, J. Villanueva 15, Cardona 9, Borboran 8, Canaleta 6, Lingganay 6, E. Villanueva 2, Ramos 2, Apinan 2, Raymundo 0, H. Arboleda 0.
San Miguel Beer 93 – Reid 27, Santos 20, Kramer 15, Lutz 10, Fajardo 10, Cabagnot 6, Ross 2, Lassiter 2, Tubid 1.
Quarters: 14-26; 33-46; 58-75; 100-93.
- Latest